MANINDIGAN PARA SA KALAYAAN
Sa ating paggunita ng Araw ng Kalayaan na nakamit noong Hunyo 12, 1898, makalipas ang 117-taon ng ating Inang Bayan ay muli nating sasariwain ang kagitingan ng lahing Pilipino.
Sa araw na ito ay ipinagdiriwang natin ang kaunaunahang pagwawagayway ng bandila ng Pilipinas sa saliw ng Lupang Hinirang sa Kawit, Cavite matapos ipaglaban ng ating mga ninuno ang ating kasarinlan sa mahigit 300 taong pananakop ng mga dayuhang Espanyol.
Ngayon, muli na naman tayong sinusubok ng panahon sa usaping agawan ng teritoryo sa West Philippine Seas sa pagitan ng Tsina. Ibang lahi man ang ating kagitgitan sa kasalukuyan, hindi pa rin nagbabago ang tema ng ating pakikipaglaban.
Daan taon man tayong yumuko at magtiis sa pananakop ng ating bansa, nababanaag sa ating kasaysayan ang katapangan at kadakilaan ng ating lahi. Pagpapatunay lamang na ang bawat Pilipino ay may makasaysayang papel sa usapin ng kalayaan.
Isa na rito ang payak na halimbawa ni G. Mel Velarde, isang negosyante na lumaban sa subasta ng Murillo Velarde Map na unang inilathala noong 1734 upang ipagbili ito sa Pambansang Museo sa halagang halos 12M Piso. Subalit ang imahe ng Tsina sa pinagaagawang Spratlys ang pangunahing pumasok sa kanyang isipan upang bilhin ito. Sa kanyang sariling pananalita “Pansariling away na, nagiging personal na sa akin (lt became a personal crusade)”.
Sa halip na mabawi ang halagang ginugol ay nagdesisyon siyang ipagkaloob ito ng libre sa pamahalaan upang magamit ang nasabing mapa bilang isa sa mga pangunahing dokumento ng Pilipinas para sa United Nations International Tribunal on the Laws of the Seas. Sapagkat siya ay naninindigan na ang labang ito ay laban din niya bilang isang Pilipino.
Sinusubukan nating maresolba ang agawan sa teritoryo sa pamamagitan ng diplomatikong pamamaraan subalit handa tayong magkapit-bisig sa bagong anyo ng pananakop na ating nararanasan.
Sa Ika-117 taon ng Araw ng Kalayaan sana’y manumbalik sa atin ang lakas ng pagkakaisa at determinasyong magtagumpay sapagkat sa atin nananalaytay ang dugong Rizal at Bonifacio.
Hindi lamang ito laban ng iilan. Ito ay laban ng bawat Pilipinong naninindigan para sa kalayaan ng ating minamahal na Republika ng Pilipinas
Source: http://dobolp.com/2015/06/10/manindigan-para-sa-kalayaan/